Bakit Hindi “Tagalog” Ang Ating Wikang Pambansa?

Tagalog-o-Filipino

Isinulat ko ang artikulong ito sa ating sariling wika bilang pagdiriwang ng Araw Ng Wika sa mismong araw na ito, ika-19 ng Agosto, 2014. Ninais ko sanang sa Mga Samut-Sari Sa Buhay ko ihayag ang nilalaman ng artikulong ito subalit dahil sa hindi pa matukoy na kadahilanan, hindi ko magawang mailathala ang aking mga sinusulat sa website kong yun. Bilang isang Filipino, nais ko ring ipagmalaki na mayroon tayong sariling wika na pwedeng gamitin kahit anong oras upang isulat at ipahayag ang ating damdamin.

Sa aking paglathala ng artikulong ito, hindi ko binalak na makipagtagisan ng katwiran kung bakit hindi Tagalog ang dapat itawag sa ating wikang pambansa. Nais ko lamang ipahayag ang mga nakaraang pangyayari sa ating kasaysayan kung bakit “Filipino” (Pilipino dati) at hindi Tagalog ang dapat daw itawag sa ating pambansang wika. Ang mga pangyayaring tinutukoy ko ay aking hinalaw sa Madalas Itanong Hinggil sa Wikang Pambansa na karapatang-sipi © 2014 ni Virgilio S. Almario, kasalukuyang Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Ayon kay G. Almario, ang mga sumusunod ay naganap sa kasaysayan ng pagpili at paghirang ng ating wikang pambansa:

  1. Sa 1934 Kumbensiyong Konstitusyonal ay mga tagapagtaguyod ng naturang mga pangunahing wika o wikang rehiyonal ang nagpaligsahan sa loob at labas ng bulwagang konstitusyonal para sa pagpilì ng magiging batayan ng wikang pambansa. Bagaman sa dulo ay Sebwano at Ilokano ang naging mahigpit na karibal ng Tagalog, ang nagwaging pagboto laban sa Tagalog ay bunga ng tagumpay ng mga maka-Sebwano at maka-Ilokano na makuha ang boto ng mga delegadong may ibang wikang rehiyonal. Ang pagsasaalang-alang at paggálang sa mga wikang rehiyonal ay mahihiwatigan kahit sa pagbuo ng kalupunan ng Surian ng Wikang Pambansa. Isa lamang ang kinatawan ng Tagalog kahanay ng mga kinatawan ng mga pangunahing wika ng Filipinas sa paghirang ng Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa.
  2. Mahalagang pansinin ang pagtukoy sa Wikang Pambansa bilang “Pilipino” mulang 1959 hanggang sa panahon ng pag-iral ng 1973 Konstitusyon. Bagaman binanggit na sa 1973 Konstitusyon ang pagbuo sa wikang “Filipino,” patuloy na kinilála hanggang 1987 ang pag-iral ng “Pilipino” bílang wikang opisyal at Wikang Pambansa.
  3. Bakit Tagalog ang nahirang na batayan ng Wikang Pambansa ng Filipinas? – Dahil ito ang rekomendado agad kahit ng Committee on Official Language ng Kumbensiyong Konstitusyonal. Tiyak ding ibinatay ito sa mungkahi ng mga ekspertong gaya ni Najib Mitry Saleeby na nagsabi noong 1924 na nakahihigit ang Tagalog sa ibang wikang katutubo:

    On theoritic and scientific grounds, no one hesitates to give preference to Tagalog as the best developed and fittest dialect to be selected as a common national language for the whole Philippine Archipelago. Its linguistic pre-eminence and its relation to the national capital, and to the Philippine heroes, supports this claim. Had the American government, or the former Philippine Commission declared Tagalog as an official language of the Islands before 1907, the whole nation would have acquiesced in the selection long before now, and the question of a common national dialect would have been solved at the same time.

  4. Ang totoo, naging mahigpit ang debate hinggil sa wikang pambansa. Nagkaisa ang mga delegado na dapat ito ay wikang katutubo ngunit sinalungat ng mga delegadong mula sa mga rehiyon ang dagliang paghirang sa Tagalog. Sa botohan, natalo ang mga maka-Tagalog kayâ ang pangwakas na tadhanang pangwika sa Seksiyon 3, Artikulo XIV ng 1935 Konstitusyon alinsunod sa kompromisong panukala ni Delegado Wenceslao Vinzons ay:

    Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.

Malinaw sa mga halaw na pagpapahayag sa itaas na hindi nangyaring matawag na Tagalog ang ating pambansang wika dahil laging natatalo ang panukala pag pinagbobotohan ang isyu. Gayun pa man, bilang isang Filipino na nagbuhat sa isang lugar na ang wikang rehiyonal ay Tagalog, hindi ko na dinadamdam ang pangyayaring hindi raw ito ang ating wikang pambansa. Ito ay sa dahilang kahit ano pa man ang itawag sa wikang naiintindihan ng marami sa atin, Filipino man o Pilipino, alam naman natin na ang wikang ito ay ibinatay sa wikang Tagalog.

(Visited 13,839 time, 1 visit today)
Share